Mga Katotohanan Tungkol sa Vaxx para sa mga Magulang/Tagapag-alaga 

Nagdulot ng pagkalito ng mga magulang/tagapag-alaga ang mga maling akala tungkol sa mga bakuna sa COVID-19. Narito ang mga katotohanan tungkol sa COVID-19 at mga bakuna para sa mga bata. 

Maaaring maging mapanganib ang COVID-19 para sa mga bata 

Katulad ng matatanda, ang mga bata ay maaari rin mahawahan ng COVID-19. At walang paraan upang mahulaan kung paano maaaring maapekto ng COVID-19 ang iyong anak, kabilang ang potensyal para sa matagal na COVID at iba pang pangmatagalang epekto na hindi pa natin alam. 

Sa mga bata na wala pang 18 taong gulang sa Estado Unidos na nagkasakit ng COVID-19, sampu-sampong libo ang na-ospital at daan-daan ang namatay. 

Ang mga ligtas at mabisang bakuna ay nakakatulong na protektahan ang mga bata mula sa impeksyon at napakabisa sa pagpigil ng matinding karamdaman at pagka-ospital. 

Ligtas ang mga bakuna sa COVID-19 para sa mga batang nasa edad na 6 na buwan at mas matanda 

Mahigpit na nasubok ang bakuna sa COVID-19 sa libu-libong mga bata bago ito binigyan ng awtorisasyon ng FDA. Ipinakita na ligtas at mabisa ang bakuna sa panahon ng klinikal na mga pagsubok. 

Nagkaroon ang mga bata ng parehong uri ng pansamantalang mga masasamang epekto mula sa mga bakuna gaya ng matatanda.  Kadalasang banayad ang masasamang epekto sa panahon ng klinikal na pagsubok at nawawala nang kusa sa loob ng ilang araw. 

Daan-daang milyong Amerikano ang nakatanggap na ng bakuna sa COVID-19—ang bakunang pinaka sinubaybayan ng husto sa kasaysayan ng Estados Unidos. Patuloy na susubaybayan ng FDA at CDC ang mga bakuna sa COVID-19 para sa kaligtasan at patuloy din itong gagawin para sa mga bata. 

Dapat mabakunahan ang mga bata kahit sila’y nagkaroon na ng COVID-19 

Hindi nangangahulugang nagpoprotekta sa iyong anak ang pagkakaroon ng COVID-19 laban sa muling pagkahawa. 

Sa katunayan, natuklasan ng pag-aaral na ang mga hindi nabakunahang indibidwal ay higit sa dalawang beses na mas malamang na muling mahawaan ng COVID-19 kaysa sa mga nagkaroon ng COVID-19 at pagkatapos ay nabakunahan. 

Napakabihirang magkaroon ng myocarditis at pericarditis pagkatapos ng pagbabakuna 

Myocarditis at pericarditis—dalawang uri ng pamamaga ng puso na maaaring magdulot ng sintomas tulad ng pananakit ng dibdib, mabilis o mahirap na pagtibok ng puso, at paghihingal—ay labis na bihira kasunod ng pagbabakuna. 

Kapag nangyari ang pamamaga na ito, kadalasan ito’y sa loob ng ilang araw pagkatapos ng pagbabakuna ng mRNA na bakuna sa COVID-19 sa mga lalaking kabataan at mga batang nasa hustong gulang.  Kadalasang mabilis gumaling ang mga kabataang pasyente at tumutugon nang maayos sa mga gamot at pahinga. 

Ang COVID-19 ay mas malamang na magdulot ng myocarditis kaysa sa mga bakuna, at ito’y mas malala. 

Hindi nakakaapekto ang mga bakuna sa COVID-19 sa pagkamayabong, regla, o pagdadalaga/pagkabinata 

Walang ebidensya na nagdudulot ng pagkabaog ang mga bakuna sa COVID-19 (mga problema sa pagbubuntis), mga problema sa regla, o pagdadalaga/pagkabinata. 

Hindi nakakaapekto sa DNA ang mga bakuna sa COVID-19 

Hindi binabago o nakikipag-ugnayan sa iyong DNA ang mga bakuna sa COVID-19 sa anumang paraan. 

Tinuturuan ng mga bakuna ang iyong sistema ng imyuno na bumuo ng proteksyon laban sa mikrobyo na nagdudulot ng COVID-19. Ngunit hindi kailanman makakarating ang mga sangkap ng bakuna sa bahagi ng iyong mga selula kung nasaan ang iyong DNA. At inaalis ng iyong katawan ang mga sangkap ng bakuna sa loob ng ilang araw. 

 

Huling sinuri ang nilalaman: 6/29/2022